Mula pagkabata hindi na nya naramdaman ang magkaroon ng buong pamilya. Ni maramdaman ang magkaroon ng isang ina. Malayo sa kanya ang kanyang ina, at nasa poder lamang siya at ng kanyang mga kapatid sa kanilang ama.
She was a victim of a broken family, at hindi sya nakaligtas sa mga mapanuksong salita at tingin ng lipunan. Hindi naman nya kasalanan ang magkaroon ng isang wasak na pamilya. Pero wala na syang magagawa pa kung iyon ang kapalarang ibinigay ng Diyos sa kanya. At kailangan nya iyong tanggapin ng buo sa kanyang kalooban. Sapagkat kung ang kanyang mga magulang ay walang ginagawang paraan na mabuo ang kanilang pamilya, malamang sya man din ay wala ng magagawa.
Si Shiela Marie Ayson, isang babaeng sinusubok ng panahon, sinubok ang tatag ng loob, tiwala sa sarili, at tiwala sa Diyos. Ang tawag sa kanya ng kaniyang mga kaklase sa High School ay nerd, weird, may sariling mundo, abnormal. Pero masakit para sa kanya ang pinaka-huling turan nila sa kanya, ang abnormal.
“Hindi naman ako abnormal ah, normal din ako tulad ng ibang tao dyan.” Aniya sa nag-iisang taong mula sa simula ay hindi na sya iniwan at syang kanyang pinagkakatiwalaan.
“Alam ko iyon, Shiela, at hindi mo na kailangan pang sabihin yan sakin. Dahil wala akong pakialam sa ibang tao, basta ang alam ko, kaibigan kita.” Sagot ni Rose Anne at inakbayan pa sya nito.
“Pero hindi ko rin naman maiwasan na huwag pansinin ang kanilang mga sinasabi tungkol sakin. Masakit din naman marinig sa kanila na sasabihan kang abnormal na alam mo naman sa sarili mong hindi.” Daing pa din nya sa kaibigan.
“Alam ko yon, pero alam mo ring ang tao ay hindi pare-pareho. At kahit ano pang gawin mo, kung ang kanilang pag-iisip ay baluktot, wala na tayong magagawa doon. Ang tanging magagawa lang natin ay taas-noo paring dumaan sa harapan nila at ipakita sa kanilang hindi tayo ang taong patataob sa kanila.” Payo naman ng kanyan kaibigan.
“Salamat, Rose Anne. Dahil kahit saan man ako ay naroon ka at handang magbigay ng payo at tulong sakin. Maswerte pa rin pala ako at may isang kaibigan akong kagaya mo.” Aniya.
“At maswerte din ako dahil ikaw ang naging kaibigan ko.” Sagot naman ni Rose Anne at niyakap pa sya.
“Sa bahay ka na kumain, magluluto ako ng nilagang baboy, ipagluluto ko ang mga kapatid ko, at alam kong sosobra iyon kaya sumama ka na rin.” Yaya nya sa kaibigan na nakangiti na.
“Oo ba, kaya mahal na mahal kita dahil binubusog mo ako lagi eh…” pabirong turan naman ni Rose Anne. At sila nga ay umuwi na sa bahay nila Shiela. May kaya naman ang ama ni Shiela, sadya nga lang sigurong hindi na mabubuo pa ang pamilyang gusto nyang makitang mabuo.
Masaya nilang pinagsaluhan ang niluto ni Shiela para sa kanilang tanghalian. At pati ang kanilang hapunan ay naging masaya din para kay Shiela dahil kay Rose Anne. Kwela kasi ito, palabiro, pero pag seryoso, seryoso din sya.
Sa mga sumunod na araw at buwan ay naging masaya na sya at kinalimutan ang mga taong walang magawa sa buhay kundi ang pansinin ang kapwa nila tao ng wala namang ginagawa sa kanila. Pero dumating ang isang balitang talagang nagpalungkot sa kanya. Ang pagkamatay ng kanyang ina.
“Bakit ganun, Rose? Hindi na nga buo ang pamilya namin,pero bakit kailangang hindi na ito kailanman mabubuo pa? Bakit sakin ito nangyayari? Bakit sa pamilya namin? Wala naman kaming sinasaktan na tao ah, pero bakit ganun? Napaka-unfair naman.” Sunud-sunod na tanong nya sa kaibigan habang umiiyak sa balikat nito. Nasa labas sila ng chapel kung saan nakaburol ang kanyang ina at nakaupo sa mga upuang naroon.
“Shiela, may plano ang Diyos kung bakit ito ang ibinigay nyang kapalaran sa iyo at sa mga kapatid mo. At may tamang panahon para maging fair ang buhay sa iyo.” Sagot naman ni Rose Anne sa kanya habang hinahagod ang kanyang likod.
“Pero kailan? Mukhang hindi na iyon mangyayari, Rose. Habang buhay ng ganito ang sitwasyon ko sa buhay. Hindi ko naman na hiniling na makasama namin ang mama sa iisang bahay, pero bakit kailangan pang mamatay sya? Bakit kung kailan naisipan kong makipag-lapit na sa kanya, ay doon naman sya kinuha sa kin? Bakit? Ano ba talagang kasalanan ko at ganito ang nangyayari? Hindi ko maintindihan.” Daing pa din nya at marami pa ring tanong na gumugulo sa isip nya.
“Ang sagot ay hindi ko rin alam Shiela, pero ang tanging masasabi ko lang ay huwag kang mawawalan ng tiwala sa Kanya. Dahil Siya lang ang magiging karamay mo sa lahat ng oras. Kahit na ang isiping mag-isa ka ay huwag na huwag mong gagawin dahil lagi Syang nandyan para sayo. Basta tumawag ka lang.” payo naman ni Rose Anne.
“Pero pano? Andami kong tanong sa Kanya. Kung bakit ito ang kapalarang ibinigay nya sakin, kung bakit kailangang ako at ang mga kapatid ko pa? at kung bakit kinuha pa Nya ang mama?” aniya.
“Shiela, hindi natin alam ang plano ng Diyos sa ating buhay dahil pare-pareho nating alam na hiram lang natin ito sa Kanya. Pero alam kong alam mo rin na nasa ‘tin ding mga kamay kung ano ang tatahakin nating landas.” Ang tanging isinagot ni Rose Anne.
“Hindi ko na alam, Rose. Sa ngayon magulo pa ang isip ko.”
“Naiintidihan kita, Shiela. Basta magpakatatag ka lang, at huwag susuko.”
“Lagi ko namang ginagawa ang magpakatatag, lalo na at para sa mga kapatid kong mas bata sakin.”
“Tama, huwag mong ipakita sa kanilang nahihirapan ka, dahil sa iyo sila kukuha ng lakas.”“Siguro nga talagang hanggang pangarap nalang ako na magkakaroon ako ng isang inang iintindi, aaruga, mangangaral, magagalit, at magmamahal sakin.” Naiyak na naman sya sa tinuran nya iyon.
“Shiela, huwag ka ngang ganyan? Nandito naman ako, pwede mo rin akong ituring na nanay mo, or ate, dahil mas matanda naman ako sa iyo ng dalawang taon.” Pagpapatahan naman ni Rose Anne sa kanya. “Pero iba pa rin ang isang ina, Rose. Na ni minsan ay hindi ko naranasan, at hindi na mararanasan.” Patuloy pa rin nya. “Balang araw ay makakatagpo ka rin ng isang taong magiging ina sayo.” Iyon ang tumatak na kataga sa kanya nang magkahiwalay na sila ni Rose ng gabing iyon.
At doon muli nyang natagpuan ang sariling umasa at nangarap. Pagkatapos mailibing ng kanilang ina ay bumalik na sila sa kanilang bahay, dahil hindi pinayagan ng pamilya ng kanilang ina na sa bahay nila ito iburol. Kaya sila pa ang dumayo sa Batangas.
At ngayon ay pagod lahat sila sa byahe na tanging ang gustong gawin ay magpahinga, at matulog. Kaya dahil na rin sa kakaisip, nakatulog nga sya. Pero nagising pa din sya ng mga alas syite na ng gabi para ipag-luto ang dalawang nakakabatang kapatid na babae at lalaki.
Wala na ang lungkot na nakita nya sa mga ito ng dumulog ang mga ito sa hapag. At ang dati nilang sigla ay bumalik na. Naisip nya, ‘Sana ganun din ako. Ang madaling maka move-on sa mga nangyari.’ Pero alam nya sa sarili nya na dindaya lang niya ang mga ngiting ipinapakita sa mga ito.
Lumipas ang mga araw, buwan, at mga taon at nakaya nyang mabuhay sa sariling mundong kanyang ginawa. Nasa ikaapat na taon sa sya sa kolehiyo ngayon at ang kanyang matalik na kaibigan na si Rose Anne ay hindi na nya kasama mula ng mag-college sila dahil sa Amerika na ito nag-aral. Kaya naman nakontento na sya sa buhay nyang minsan ay pinagtatawanan ng mga sosyalerang kaklase nya. Hindi naman sya papahuli sa mga bagay-bagay. Lalo na sa gadgets. Katunayan ay highschool palang sya ay may sarili na syang Laptop. At nagagamit nya ito sa mga activities nila sa school. At sa mga projects na din. Lalo na sa mga social networks. Natuto na rin syang makipag-chat sa mga chat box ng mga website na napupuntahan nya. Pero isang araw, nang minsang wala syang pasok, dahil na rin sa hilig sa pagbabasa ng mga nobela, tagalog man o English, ay nahanap nya ang isang website na makakapagbasa sya ng mga romance novel for free. At doon ay marami syang nakilala at naging kaibigan. Natuto syang tumawa at nakalimutan pansamantala ang nakaraang hindi na nya kinalimutan. Doon nya nakilala si Mara. Si Mara ang nagsilbing tagapayo nya, at itinurin na rin nyang ina. Naging palagay ang loob nya dito. Pakiramdam nya ay ito ang totoo nyang ina. Sa iksi ng panahong nakakausap nya ito sa pamamagitan lang ng chat box na iyon, minahal na nya ito na parang isang tunay na ina. Minsan ay nagkakausap sila ng harapan, sa laptop nga lang din. Video call ang tawag doon. “Nay, na missed po kita.” Ani Shiela ng minsang nag-video call sila ni Mara. Naroon sya noon sa kanyang kwarto at alas nwebe na ng gabi. “Na-missed din kita, Shiela. And I hope makita na rin kita talaga in person.” Sagot naman ni Mara sa kanya. “Basta, Nay, pag may time, magkita tayo ah.” “Oo naman, ikaw pa eh mahal na mahal kita.” “Talaga, Nay? Mahal mo ko?” tuwang-tuwang tanong nya. Na para bang nagliwang ang kanyang buong paligid. “Oo naman, ano ba sa tingin mo?” natatawa namang sagot nito. “Hindi ko lang po kasi in-expect na makakakilala pa ko ng kagaya nyo.” Aniya na medyo nag-iba ang timpla ng kanyang mukha. “Ano na naman ba ang ipinagda-drama mo dyan? Kapag ako ang kausap mo, dapat masaya, ayoko ng may malungkot.” Sita nito sa kanya na para nga talagang isang ina. “Opo, Nay. Promise wala ng magiging malungkot.” Sagot naman nya na pinasigla na ang boses. Hanggang sa abutin na sila ng alas dos ng madaling araw. Nagplano na din sila na after Three Months ay dapat magkita na sila ng personal. Ng gabing iyon, o madaling araw na iyon, pagkatapos nilang mag-usap ay nakatulog sya agad ng mahimbing at may ngiti sa mga labi. Hanggang sa halos araw-araw na silang nag-uusap. Nasanay na din sa isa’t-isa. Pero dumating ang isang araw na hindi kailanman inasahan ni Shiela. Ang magkasira sila ni Mara ng dahil lang sa mga sinabi ng ibang tao. “Nay, naniniwala ka ba sa kanila? Tingin mo ba kaya ko iyong gawin? Ang ipagkalat malandi ka? Pakawala ka? Nay naman, akala ko kilala mo na ko.” Si Shiela na ipinagtatanggol ang sarili sa itinuring na ina. Magkausap sila noon gamit ang webcam. “Shiela, ayokong isipin iyon, at ayoko silang paniwalaan. Pero mga kaibigan ko rin sila at pinagkakatiwalaan ko rin.” Sagot naman ni Mara. “Nay, ako ba hindi mo pinagtitiwalaan? Kaya sa kanila ka naniniwala?” tuluyan ng umagos sa kanyang pisngi ang kanyang luha. “Shiela, hindi sa ganun. Masakit din sakin na ikaw ang sinasabi nilang nagkakalat na isa nga akong mababang uri ng babae. Masakit marinig sa ibang tao na ang taong labis kong pinagkakatiwalaan ay magagawa akong traydorin.” “Hindi ako traydor, Nay. At kahit kailan hindi ako naging traydor sayo. At ni minsan hindi ko naisip na traydorin ka. Dahil kahit anong klaseng tao ka pa, wala akong pakialam. Ang tanging gusto ko lang ay makausap ka araw-araw. Kung pwede ka nga lang yakapin ay ginawa ko na kaso hindi nga pwede dahil malayo ka sakin.” Daing nya dito na patuloy pa din ang pag-daloy ng kanyang luha. “Shiela huwag ka namang ganyan, ayokong mamili.” Nalilitong tugon ni Mara. “Hindi ko naman po kayo pinapapili, Nay. Ang tanging hiling ko lang naman po ay ang pagkatiwalaan nyo po sana ako. Nang katulad ng ginagawa nyong pagtitiwala sa iba mong kaibigan.” “Ayoko muna sanang makausap at makita ka, Shiela. Hindi dahil sa naniniwala ako sa kanila. Kundi para na rin makapag-isip. Para na rin hanapin kung saan nga ba talaga ako masaya.” Ang desisyon ni Mara na syang tuluyang nagpalungkot sa kanya. “Nay, hindi mo naman kailangang gawin yan eh.” Pagpigil nya dito na kung nasa harap lamang nya ay niyakap na nya ito ng mahigpit at hindi na papakawalan pa. “Shiela, kailangan ko ito para na rin sa ating dalawa.” Matigas pa ring tugon nito kahit na ang totoo ay nahihirapan na ding makipag-usap sa kanya dahil nga ay mahal na mahal na sya nito. “Nay naman e, hindi ko po kaya pag nawala ka na.” patuloy pa rin sya sa pagpigil. “Kaya mo, dahil dati naman ay nakaya mo nung hindi mo pa ko nakikilala. Paalam, Shiela. Ito na ang huli nating pag-uusap. Tandaan mo, mag-aaral kang mabuti at ipangako mong makakatapos ka.” Desidido na talaga ito sa desisyon niya. “Nay….Huwag naman.” Huling nasabi nya at pinatay na ang tawag na iyon. Parang naulit ang nangyari noon. Para na rin syang namatayan sa pakiramdam nya sa pamamaalam na iyon ng isang taong itinurin na nyang ina at parte na ng kanyang buhay. “Kailangan bang paulit-ulit na mangyari talaga ang ganitong eksena sa buhay ko? Ang tunay kong ina, kahit ang papa ay hindi ko nakakasama lagi, maging si Rose Anne ay iniwan din ako. Pati ba naman si Nay Mara? Ano bang mali sakin at iniiwan ako ng mga taong minamahal ko? Anong mali sa ugali ko? Hindi ba sapat na maging totoo kang tao sa kanila? Kailangan ko bang magsuot pa ng mascara para hindi nila ako iwanan? Ang hindi ko ipakita kung sino talaga ako? Hindi ko na alam kung ano na ang gagawin ko. Masama ba akong tao?” sunud-sunod na tanong nya sa sarili. Luhaan pa rin sya. At parang hindi nya yata kayang tumahan hanggang sa hindi uli sya kinakausap ni Mara. Umabot sya hanggang alas tres ng madaling araw na umiiyak, magang-maga na ang mata nya. Mabuti nalang at wala syang pasok kinaumagahan. Nakatulog na nga sya sa harapan ng kanyang laptop. Umaasang kakausapin sya ni Mara. Paggising nya ng mga alas diyes na ng umaga ay agad nyang tiningnan ang account nya sa facebook kung nag-message na bas i Mara. Dismayado sya dahil wala man lang kahit isa. At napag-alaman pa nyang tinanggal na sya nito sa list of friends nito. Talaga ngang desidido na si Mara na tiisin sya. Tila sya nabagsakan ng napakabigat na balde-baldeng tubig dahil sa ginawang pang-iiwan sa kanya ni Mara. Tila hindi na nya kayang ngumiti. Lagi nyang naaalala ang mga oras na nagtatawanan sila. At mga oras na nag-o-open sya dito ng mga problema sa buhay, at ganun din si Mara sa kanya. Pero tila napaka sutil talaga ng tadhana sa kanya. Sadyang sinusubukan sya nito. Lumipas ang araw, buwan, at taon, hindi na nga sya talaga binalikan pa ni Mara. Nagtapos na rin sya at nagtatrabaho na. Pero kailanman ay hindi nya kinalimutan si Mara at patuloy pa ring umaasang magkikita na sila hindi man sa Internet kundi sa personal na. Dahil mula ng sya’y makatapos, nakipagsapalaran na sya sa lungsod. At nagbabasakali na rin na isang araw ay makakasalubong na lang nya si Mara. Pero tila mapagbiro nga ang tadhana. Nakasakay sya ng taxi ng araw ng linggo, wala syang pasok pero patungo sya sa simbahan ng Quiapo ng may mahagip ang kanyang mga mata. Hindi sya maaring magkamali, kilalang-kilala nya ang may-ari ng mukhang iyon. Pumara sya at nagbayad na, malapit naman na ang simbahan, sakaling namalik-mata man sya ay maiksing lakad nalang ang kanyang gagawin. Nakatayo ito sa may tindahan ng bulaklak ta mukhang bumibili ito kaya hindi sya pansin nito. Lumapit sya sa kinatatayuan nito, at ng sya’y makalapit, napagtanto nyang, tama nga ang kanyang hinala. Hindi sya namamalik-mata lang. totoo ang nakikita nya. Si Mara nga. Dahil sa tuwang naramdaman ay bigla nya itong niyakap. Nagulat man si ito ay hindi naman sya nito itinulak. At nang kumalas na sya sa pagkakayakap ay nakita nyang nagulat nga ito. “S-Shiela?” tanging nasambit nito. Napaiyak na sya ng tuluyan. Ibig sabihin ay kilala pa rin sya nito. Hindi pa rin sya nakakalimutan. “N-Nay.” Aniya na umiiyak pa rin. “A-anong ginagawa mo dito?” tanong nito na gulat pa rin. “Malapit po dito ang trabaho ko, Nay. Nakatapos na po ako. Sinunod ko ang payo nyo.” Nakangiti sya at umiiyak pa rin dahil sa tuwa. “P-pero bakit ka nagtungo dito sa lungsod? Marami namang pwedeng mahanap na trabaho sa probinsya, mas mahirap pa nga ang buhay dito eh.” Katwiran nito. “Dahil sayo kaya dito ko ginustong maghanap ng trabaho.” Diretsong sagot nya. “S-sakin?” “Nay, kahit kailan hindi kita nakalimutan, at natutuwa ako dahil hindi mo pa rin ako nakakalimutan.” Saad nya imbes sagutin ang nagtatakang tanong nito. “Shiela…” “Nay, mahal na mahal po kita. Kung alam mo lang kung gaano ako nalungkot mula ng hindi mo na ko kinausap, ni ang magparamdam man lang sakin ay hindi mo ginawa. Pero wala na yon sa’kin, ang mahalaga nakita na uli kita, at hindi lang sa picture o sa video cam, personal pa.” Pagkasabi niyon ay muli nyang niyakap si Mara. “Oh, Shiela…patawarin mo sana ako.” Samo ni Mara sa kanya at umiiyak na rin pala. “Nay, matagal ko na po kayong napatawad. Nagawa kong mabuhay ng mag-isa dahil sa inyo. Dahil sinabi nyong kaya ko. At ginawa ko yon para sa sarili ko. Kaya hindi mo na po kailangang humingi ng tawad. Ang mahalaga ay nayakap na kita.” Aniya ng kumalas ng yakap dito. “Salamat, Shiela. Napakabuti mong tao. Sana ay hindi ko nalang pinutol ang komunikasyon natin noon, dahil sa ginawa ko, ako din ay nahirapan. Nakonsensya. At ilang gabi din akong hindi makatulog noon kakaisip sayo.” “Nay, huwag mo nang isipin ang nakaraan, mas maganda kung uumpisahan natin ulit sa masaya ang pagkikita natin.” Masayang wika nya. “Tama ka, mas maganda kung uumpisahan natin sa pagpapasalamat sa Diyos.” Nakangiti na ring pagsang-ayon ni Mara. “Tara na po, Nay” sabay hila na sa kamay ni Mara. Ang bawat sugat ay naghihilom, gaano man kalalim ito. Ngunit nag iiwan ito ng marka na syang magiging tulay mo para hindi na muling magawa o balikan pa ang dating nagawa at magpatuloy sa daloy ng buhay. At ito rin ang nagbibigay ng aral sa buhay. Kapag nasaktan dun natin natutunan ang lumaban. Ang magpatawad, magpakumbaba at ang tumawag sa Lumikha.
WAKAS
2nd time reading this and i'm in tears pa rin haha... very moving na ewan :)) sana may like button :D
ReplyDelete